Saturday, April 11, 2009


Bro Martin UPDATES on Sierra Madre of Bulacan

Nitong nakaraang taon 2008 ay nabatid namin ang pagkawasak ng ating Sierra Madre sa tulong nina Vice-Governor at Congresswoman Alvarado ang aming Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc. o SSMESI isang NGO ay nakita natin ang tunay na kalagayan ng ating kabundukan. Dumating na sa puntong ipinaabot namin sa mahal na Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Malakanyang ang kalagayang ito. Bilang tugon ay inatasan ng Pangulong Gloria si Kalihim Lito Atienza ng DENR na tutukan ang nasabing pagkakalbo ng ating kagubatan partikular ang Ipo Watershed na higit na nangangailangan ng pagkalinga (noong Oktubre 9, 2008).

Halos mag iika-anim na buwan na ang nakakalipas ay ano nga ba ang naganap na pagbabago o reporma ipinangako sa ating kabundukan ng DENR Masasabi ko na halos walang nabago. Patuloy ang pagkasira ng ating kabundukan at patuloy na nagbibingi-bingihan ang ahensya ng ating pamahalaan inatasang mangalaga nito ang DENR at patuloy nagsasawalang kibo ang ating mga namumunong local government units o LGU’s.

Ang karamihan sa nalalabi pang “closed canopy forests” sa ating lalawigan ng Bulacan sa bahagi ng Angat at Ipo Dam Watershed ay patuloy na nawawasak kung kaya patuloy na nanganganib ang tinggalan ng ating tubig o watersheds na siyang pinagkukunan natin ng inumin hindi lamang para sa mga Bulakenyo kundi maging sa may 13 milyong residenteng Metro Manila.

Ang Angat Watershed na sumasakop sa may 55,707 ektarya ng kagubatan at ang Ipo Watershed na may sukat na 6,600 ektarya. At magpahanggang ngayon ay walang habas pa rin na pagpapalawak ng lupang sakahan ng mga nandayuhang taga-kapatagan sa mga kabundukan ng Sierra Madre, partikular sa paligid-ligid at teritoryo ng Ipo Dam, ang ilegal at walang patumanggang pagpuputol ng mga punong-kahoy ng mga poachers na kung tawagin ay “iligalista”, “ulingeros” at “kaingeros.”

Nito lamang nakaraang Marso 9 ay nadokumento ng aming grupong SAGIP SIERRA MADRE ang pagwasak sa dati ng matagumpay na 10 years old reforestation project na tinatawag na 190 hectares sa Mount Anahaw area ng Ipo Watershed. Lantarang walang takot na pinagpuputol ang malalaking punong Gemelina na pinagkagastusan noon pa man mula sa utang ng ating bansa sa World Bank. At ang nakakalungkot pa nito ay pawang mga bata o menor de idad ang humahakot ng nasabing mga kahoy at uling batay sa mga nakuhang larawan sa Mount Balagbag noong Enero 30-31 ng taong kasalukuyan.

Ayon sa mga taong tagaroon na nakausap kung bakit nila pinagpuputol ay hindi sapat ang kanilang natanggap na bayad bilang mga DENR “tree planters” kung kaya malawakan nilang inuuling ito. Samantala ang hayagang pagputol nitong mga kahoy ay binasbasan “pahilim” at sinang-ayunan naman ng mga tiwaling DENR sa kaisipang mas malawak na warak na lupain ay mas malaking budget o pondo na ilalaan ng pamahalaang nasyonal mula sa panibagong pondo ng ating Pangulong Gloria na nagkakahalagang P2 bilyong piso na paghahati-hatian ng 12 rehiyon.

Maituturing natin isa itong malaking kahangalan kung saan ay ginagatasan at pinapaikot-ikot lamang ang mga reforestation projects. Isa itong reforestation scam na kakaiba na naman sa dati na nating ibinunyag na seedling scam. At sa ganitong kalagayan ay ang Ipo watershed ay halos tuluyan ng makakalbo. Na ang dating tatlumpung porsyento na lamang ng 6,600 ektarya sukat nito ang may forest cover at mananatiling pa ring 30% o mababawasan pa sa kabila ng pagsusumikap nating magreforestation.

Kung hindi titigil ang mga iligalista sa pagpuputol ng kahoy sa gubat at ang mga kaingineros, ulingeros sa pagsusunog sa gubat at pagpapalawak ng inaakala nila na kanilang lupang sakahan, sa loob ng limang (5) taon ay masaksihan natin ang tuluyang pagkaubos ng tubig na bumabalong sa ilalim ng ating lupa o underground water resources na siyang sumusuplay sa ating mga balon, poso at subdivision deep-well. Mawawalan din ng silbi ang Bulacan Bulk Water Project natin kung wala namang pagkukunan ng tubig o di kaya naman ay magsisilbing parusa kung tataas ang bayarin nito.

Kung hindi titigil ang mga tiwaling personnel ng DENR sa pagpapabaya ng kanilang tungkulin at sa pagproprotekta sa mga iligalistang “financier” at sa mga korupsyon ay patuloy na makakalbo ang ating kagubatan at kabundukan sa kabila ng malalaking pondong inilaan sa pagrereforestation ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor. Kahit maglagay tayo ng sangkaterbang bantay gubat ay mauuwi lang sa kawalan sapagkat ang mga naatasang ay magiging mga bantay-salakay din.

Baka ang inaasahan nating dalawampung taon ang kakailanganin, ayon sa isang mataas na pinuno ng MWSS, upang maibalik sa dating ganda at kakayahan ang watershed ng Ipo Dam ay hihigit pa kung patuloy ang ganitong kawalan ng sistema, puno ng korupsyon at pagsasawalang-kibo ng local na pamahalaan.

Sa ngayon at hindi na lang isang hinala o teorya na sadyang hinahayaan ng DENR sa palusot na wala silang sapat na tauhan at salapi upang bantayan ang Ipo Dam Watershed, ang pagtabas ng mga puno sa watershed upang lumaki ang kanilang ire-reforest bagkus ay isa ng patuloy na kaganapan. Ang inilaang P2-bilyong pisong pondo para sa reforestation para gawing isang ganap na gubat muli tulad ng sa IPO Dam Watershed ay mauuwi lamang sa tuluyang pagkawasak ng ating kagubatan.

Ika nga ay kung walang madedeforest ay walang ire-reforest. Kung walang reforestation ay walang kita. Deforestation and reforestation are two sides of one coin. May pera na sa deforestation, may pera pa sa reforestation. Ito ay isang mabisyong siklo ng katiwalian sa pamahalaan. Pag lumaki-laki na ang itinanim na puno, muli itong puputulin para palitan ng bago. At ang pera ng publiko ay patuloy na tumatapon sa isang proyektong nakikipaglaro kay kamatayan na dapat sanay pinakikinabangan nating lahat dulot ng nagaganap na global financial crisis.

Sana’y ang naraanasan nating pandaigdigang krisis pinansyal ay hindi tuluyang mauwi sa isang ganap na global warming kung saan ang panahon ng tag-araw ay umuulan at sa panahon naman ng tag-ulan ay matinding tagtuyot. Imulat natin ang ating mga mata, pag-aralan natin ang mga nagaganap sa ating kapaligiran. Magbantay at pangalagaan natin ang ating kagubatan na siyang pamana ng ating mga ninuno.

Maraming salamat po.

Bro Martin

March 19, 2009

No comments:

Post a Comment